I.
"Magandang araw po." Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw." Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas.
"Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa.
II.
Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan." Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa. Awang-awa siya kay Nestor.
III.
Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sa dahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga.
IV.
Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor.
"Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti.
Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya'y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso.
V.
Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya. Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan.
VI.
Nguni't ano ang kanyang gagawin? Siya ay lalaki at lalaking may puso. Ang tibok ng puso ay makapangyarihan. At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya. Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan. Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi na malilimot at mamamatay sa habang panahon. Ang mga ala-ala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat. Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya. Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guni-guni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay. Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga ala-alang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor. Ngayon siya'y nasa gitna ng luha at lungkot.
VII.
Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso. Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo. Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan: luwalhati at pagtitiis. Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-ayon sa gunita ng palad. May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa. Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi. Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata at lumuha.
VIII.
Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral. Kung siya'y makatapos na ng karera, sa paano't paano man ay hindi na kahiya-hiyang mangibig kahit kanino. Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa. Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa. Kaya nagsunog ng kilay si Nestor.
IX
Samantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan. Kung sabagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha'y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala. Si Ligaya ay hindi gayon. Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya'y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos.
X.
Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot. Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa at pinatatapang ng lalong matatamis na pangarap. Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan ni Ligaya. Dahil sa malabis na pagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo't ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murang katawan ni Ligaya ay hindi nakatagal. Siya'y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat. Dahan-dahang nalanta ang rosas sa kanyang dalawang pisngi at naglamlam ang langit sa kanyang mata.
XI.
Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dali-daling inihandog ang kanyang tulong. Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin. Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal.
"Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?" ang tanong sa kanya minsan ng may sakit.
"Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita," ang masuyong sagot ni Nestor.
XII.
Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga. May apat na buwan na si Ligaya sa kanyang cottage sa mataas na siyudad ng Baguio. Ang sariwa at malinis na simoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangi-tanging singaw ng nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyang nagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit. May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga. Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan.
XIII.
Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang pino.
"Salamat sa iyo, Nestor," anang binibiro, "utang ko sa iyo ang akin gbuhay. Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang loob?"
"Ligaya," anang binata naman. "Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal. Datapuwa't ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon."
"Anong karamdaman mo?"
"Ang karamdaman ng aking puso."
"Aba, si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?"
"Kailan man ay hindi! Ang aking pag-ibig ay malala kaysa dati, Ligaya, lalong malubha."
"Ano ang sasabihin sa atin ng tao? Magpinsan tayo'y..."
"Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor. "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin noong tayo'y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?"
"Ngunit"
"Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako'y minamahal mo. Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian ang iyong bibig.
XIV.
Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya. Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na ala-ala ng kanilang kabataang yumao.
Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting.
"Hayan ang aking pag-ibig."
"Pag-aralan mo sanang mahalin."
Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de miel ni Ligaya at ni Nestor.
Back to Top
TALASALITAAN (Glossary)
I.
pamimintana -- looking out (the window)
durungawan -- window
liham -- mail/letter
nangunot ang noo -- wrinkled forehead
napahalakhak -- laughed instantaneously
tatawa-tawa -- laughing
Back to Top
II.
makapangangahas -- to dare, to be bold
magpapahayag -- to express one's feelings
magpinsan -- cousins
bukang-bibig -- to be talked about
nagpipisan -- to sleep together
binata -- unmarried man
nagbibinata -- an adolescent boy turning into a man
salawal -- boxer shorts
ayusin -- to put in order
ipinamimitas -- to pick fruits from a tree
sari-saring -- varieties
bungang-kahoy -- fruits
pinagsasalunan -- to share together
tanghaling tapat -- high noon
nalilibang -- enjoying something
wala silang iniwan sa tunay na magkapatid -- as if they are real siblings (idiomatic expression)
nagkahiwalay -- to get separated
ipasok -- to be sent to school
pangamba -- fear, doubt, anxiety
awang-awa -- felt extreme pity
Back to Top
III.
batang musmos -- little kids
nakalipas -- time passed
lisanin -- to have left a place
magdadalaga -- a girl turning into a lady
dahon ng kanyang ala-ala -- memories (idiomatic expression)
titik ng panahon -- every detail (idiomatic expression)
kabataan -- youth
nagugunita -- to remember, being remembered
nagkahiyaan sila -- they got self-conscious or embarassed
magbatian -- to greet each other
nasilaw -- to be overwhelmed (usually by light)
kisig -- poise, bearing
naninibago -- to feel uneasy, uncomfortable because something is not familiar anymore
magkasalubong -- to cross paths, to meet along the same path
tumutungo -- to bow one's head
mailagan -- to avoid
lumilihis -- to take another path or veer away from actual path
pagkaumid -- to become speechless
pag-aalang-alang -- to be indecisive, reluctant, doubtful
Back to Top
IV.
panggilalas -- taken by surprise
tanggapin -- take something
marunong -- to know how to do something
lumigaw -- to woo, to court a lady
pilyo -- crazy kid, foolish kid, naughty
wika -- to say (verb)
wika -- language (noun)
nakangiti -- smiling
ipinalagay -- to assume
nahihibang -- is out of one's mind
dili -- or
nagbibiro -- teasing, joking
pinansin -- did not take seriously or pay attention
nagigising -- awakening
puso -- heart, love (idiom)
Back to Top
V.
nagsisi -- regretted something
nakapagtapat -- to express one's love
pagsisisi -- regret
nakurong -- to have thought something
tanyag -- famous
tanyag na tanyag -- very famous
lipunan -- society
palad -- fortunate, lucky
makadalo -- to attend a party or a social function
piging -- social function, gathering
maginoo -- gentleman
hombres de profesion -- men of profession
nangingibig -- in love with someone
pinakakain -- still being fed (idiom)
pinaghihirapan -- supported by someone (idiom)
ama -- father
lalong -- to increase in intensity, degree, etc.
nag-ibayo -- intensified
pagkakimi -- shyness, speechlessness
harap -- in front of
nagkakatagpo -- to meet
sayawan -- dance
sumulyap -- to steal a glance
mukha -- face
ngingiti-ngiti -- smiling
ikinasisiyang-loob -- to be happy about something
nagugulumihanan -- uneasy, listless
Back to Top
VI.
tibok ng puso -- love (idiom)
makapangyarihan -- powerful
pigilin -- to stop
limutin -- to forget something or someone
sinundan-sundan -- to follow incessantly
pinintuho -- object of affection
kaluluwa -- soul
naukit -- engraved
diwa -- soul, mind
napunla -- planted, sown
panahon ng kamusmusan -- young age (idiom)
mamamatay -- to die
habang panahon -- forever
ala-ala -- memories
matamis -- sweet
sariwa -- fresh
mahal -- beloved, dear, cherished
ewan -- not able to know or understand (idiom)
naparam -- to have gone away, forgotten
kahapon -- yesterday
lipus -- full of (something)
kaningningan -- brightness
murang guni-guni -- young imagination
masamyo -- good smell or scent
pabango -- perfume
kawalang-malay -- innocence
alalahanin -- problem, unease, worry
gaya -- like, same as, similar to
gunam-gunam -- thoughts
gitna -- in the middle of
Back to Top
VII.
nagtamo - to have received, behold, gotten
tugon - response, answer
sulat - letter, postal mail
niyari - worked on (something) or done (something)
muli -- once again
naisip - thought of
sayang - "what a waste" (expression), "too bad"
pagod - tired, to tire of (something), to work hard on something
matatamo - to achieve
hanggahan - the end, the final stage, the border
luwalhati - glory
pagtitiis -- sacrifice, perseverance
itinalaga -- appointed, predestined, meant to be
tadhana -- fate
tila - somewhat, as if
sumang-ayon - to agree
gunita - remembrance
palad - palm of the hand, idiom for fate, luck or fortune
mabibihis - to put on or to cover up
sadyang - "really", "meant to be"
pangarap - dream or wish
mahalaga - important, valuable
dakila - great
natutupad -- to come to reality
kinakailangan -- necessary
maglamay - to attend to a wake, to stay awake in the night, to endure sleepless nights
magpakasakit - to suffer, to endure pain and suffering
magbata - to be firm, to get hold of one's strength
lumuha - to shed a tear
Back to Top
VIII.
pinag-ibayo -- intensified (active)
pagsisikap -- perseverance
pag-aaral -- studies
makatapos -- to finish something
karera -- course
paano't paano -- in whatever way
kahiya-hiyang -- (from hiya=shame) shameful
kahit kanino -- to anybody
titulo -- title
kalasag -- asset, credibility
paglingap -- attention
malamuyot -- to soften
mabagbag -- to have sympathy or feeling for
kalooban -- feelings
awa -- mercy
nagsunog ng kilay (idiom) -- studied hard
Back to Top
IX.
samantalang -- meanwhile, in the meantime
pagkabulaklak -- popularity
lipunan -- society
sabagay -- in fact
natatanyag -- become well-known
palalong sosyedad -- snobbish elite of society
nagkakaroon -- to acquire something, to have
marungis -- dirty, filthy
batik -- stain
dangal --- reputation
angking kabanguhan -- self-esteem, reputation
napapagsamantalahan -- taken advantage of
mapagsamantala -- opportunists
habang -- while
napapasa-itaas -- moving up the social ladder
lalo -- all the more
nagpapakalinis -- pretending to be pure
kababaang-loob -- humility
katamisan -- sweetness, gentleness
ugali -- character, manners, behavior
sinikap -- persevered
karapat-dapat -- deserving
mata -- eyes
sambayanan -- public
nakapako -- paying close attention to
kilos -- actions, behavior, every move
Back to Top
X.
nagtapos -- finished
pagka-manggagamot -- doctor of medicine
batang-batang -- very young
nginingitian ng pag-asa -- with a bright future (idiom)
pinatatapang -- made more courageous
matatamis na pangarap -- sweet dreams
tagumpay -- victory
kabiguan -- frustrations
malabis -- excessive
pagpupuyat -- lack of sleep
saan-saang -- everywhere, here-and-there
idinaraos --- held at, taking place
gayo't ganitong samahan --- this and that organization, various groups
kapisanan --- associations
bukod -- aside from
panonood -- watching (of)
dulaan -- theater
sine -- movies
murang katawan -- young body
nakatagal -- endured
lumura -- to spit
dugo -- blood
unti-unting -- little by little, slowly
nangayayat -- became thin, malnourished
dahan-dahang --- slowly
nalanta -- wilted
rosas - rose
pisngi -- cheek
naglamlam -- became cloudy, dark
langit -- heaven, sky
mata -- eyes
Back to Top
XI.
mabalitaan -- to have heard the news
kaawa-awang kalagayan -- sorry condition
dali-daling inihandog -- immediately offered
tulong -- help
tumalima -- disobeyed
tagubilin -- advice
buong -- whole
iniukol -- offered
pagpapagaling -- healing
karamdaman -- illness, sickness
malulunasan -- to cure
minsan -- once
gagaling -- to heal, to recover
aalagaan -- to take care of
masuyong sagot -- gently replied
Back to Top
XII.
matamlay -- sluggish, sickly
siyudad (Spanish=ciudad) -- city
simoy -- smell or quality of air
mabiyaya -- blessed
katangi-tangi -- very unique
singaw -- spring, offspring
nagmumula -- coming from
pusod -- navel
bundok -- mountain
nagkatulong-tulong -- altogether helped
bumuti -- to improve, to become better
paraluman -- lady
nanumbalik -- came back
nanauli - returned
bulas -- shape
Back to Top
XIII
malamig -- cold
buwan -- moon
nakabitin -- hanging
mangasul-ngasul - bluish (from Spanish azul=blue)
nangakaluklok -- on top of
mayayabong -- very thick, lush
pino -- pine tree
binibiro -- kidding, teasing, joking
utang -- to owe something from someone
kagandahang loob -- kindness, good-hearted
anang -- said, according to
binata -- young, unmarried man
Maykapal -- God
nalulunasan -- to be cured
malala -- worse
dati -- before
malubha -- in bad shape
putol -- to cut something
nananalaytay -- flowing
ugat -- vein, arteries
damdamin -- feelings, emotions
dila -- tongue
makasalanan -- sinful
humatol -- to judge
alalahanin -- to remember
nanghihinayang -- to regret, to feel sorry
mapasaibang kamay -- to be in the arms of somebody else
mapasaibang dibdib -- for one's love to be stolen by someone else
dibdib (idiom) -- heart, literal=chest
magdahilan -- to have an alibi, excuse
Back to Top
XIV.
magmatuwid -- to reason out
katotohanan -- truth, fact
lihim -- in secret
malaon -- for a long time
nanariwa -- to grow again, to freshen up
yumao -- to have died, to come to pass
pinabaunan -- to gift or plant something
halik -- kiss
inabutan - gave (something)
bulaklak -- flower
nabalitaan -- heard the news
kahanga-hangang -- amazing, wonderful
idinaos -- held, to have taken place
Back to Top